Malinaw sa karamihan ng ating mga kaguro, na ang larangan ng pagtuturo ay isang BOKASYON, at hindi isang payak na trabahong ang layunin ay kumita lamang. Ngayong malapit na ang pagtatapos ng taon para sa SY 2010-2011, marami na ang mga mag-aaral na nagkakandarapang habulin at magtanong sa kanilang guro kung sila ay papasa o babagsak, at mag-aaral uli sa panahon ng tag-init upang ulitin ang sabjek na ibinagsak. Minsan nga talagang pati ang mga magulang ay pumupunta pa sa paaralan upang makipagkita ng personal sa guro at magtanong sa kasasapitan ng kanilang anak. Tulad ng kanilang anak ay mamumutawi sa kanilang mga labi ang tanong, “Titser, pasado po ba ang aking anak?” Ang nakakapanglumo pa rito, ay may kasabay na pagtulo ng luha ang mukhang nagsusumamo, sa bawat katanungang ating maririnig.
Tunay na ang pagiging guro sa mga panahong tulad nito ay nangangailangan ng katatagan ng prinsipyo. Alam kong walang guro ang magbababa ng pamantayang kakailanganin upang makapasa ang isang mag-aaral ayon sa hinihingi ng paaralan. Ngunit isang katanungan ang pilit na uukilkil sa ating kaisipan, “Ano nga ba ang sukatan ng pagiging tapat sa ating sinumpaang katungkulan, laban sa ating pagiging Kristiyanong guro?”
Bilang guro na may 20 taong karanasan, isa lamang ang aking pinanghahawakang batayan. Sa aking pagbabalik-tanaw, sisimulan kung tanungin ang aking sarili kung saan ba talaga ako nagkulang upang sapitin ng mag-aaral ang alanganing kalagayan at manganib na ibagsak ang aking sabjek. Sisimulan kong limiin sa pinakasimula, at tanungin ang sarili kung ang mga hakbang na aking ipinatupad upang matulungan ang mga mag-aaral, ay sapat na... tulad ng sumusunod:
- Nabigyan ko ba sila ng mga gabay at malinaw ko bang naiparating sa oryentasyong naganap ang mga kahingian ng sabjek, tulad ng pagbibigay ng balangkas ng nilalaman ng mga paksang tatalakayin?
- Malinaw ko bang naipaliwanag ang mga pamamaraang dapat nilang gawin sa mga proyektong aking inaasahang kompletohin nila sa takdang panahon?
- Naging konsistent ba ako bilang guro sa pagpapaalala sa kanila ng mga dapat tandaan kapag malapit na ang mahabang pagsusulit at ang pagpapasa ng mga takdang-aralin?
- Naibabalik ko ba agad ang mga naiwastong sagutang-papel at takdang-araling ipinasa ng mag-aaral nang sa gayon ay magkaroon agad sila ng kabatiran ng kanilang marka ayon sa kasanayan o kakayahang napapaloob sa markang kanilang nakuha?
- Nagkaroon ba ako ng sapat na panahong tawagan ang pansin o kausapin ang ilang mag-aaral upang ipaalam ang kanilang kahinaan bago pa lamang sila tuluyang bumagsak sa una o ikalawang markahan, nang sa gayon ay hindi sila mahihirapang humabol sa dalawa pang markahang natitira?
- Sa aking pagbibigay ng mga proyekto at takdang-aralin, nakapagbigay ba ako ng sapat na bilang ng mga sangguniang aklat na kanilang pagkukunan ng karagdagang kaalaman/datos, tulad ng aklat, mga magazine, pahayagan, mga website at iba pang babasahin sa kanilang silid-aklatan?
- Sa mga pagkakataong sila ay lumiban sa araw ng aking pagsusulit, tinawag ko ba ang kanilang pansin upang kumuha ng pagsusulit na hindi nila nakuha?
- Sa pagmamarka naman ng kanilang pakikisangkot sa aktibong talakayan (recitations), binigyan ko ba bilang guro, lahat ang aking mag-aaral ng sapat na pagkakataon o panahon upang marinig ang kanilang paliwanag o kuru-kuro sa mga paksang aming tinatalakay?
- Higit sa lahat na sa aking palagay na napakahalaga, ay ang tanungin ko sa aking sarili, kung ilang pagkakataong nagkaloob ako ng papuri o tapikin lamang ang balikat ng aking mag-aaral sa pagkakataong nagwagi o nakasagot nang tama, nakakuha ng mataas na marka ang isang mag-aaral, lalung-lalo na kapag ang mag-aaral na ito’y bihirang magkaroon ng pagkakataong makasali sa talakayan o makakuha ng mataas na marka sa pagsusulit?
- Ilan din sa mag-aaral ang talagang hindi nagpapasa ng kanilang takdang-aralin? Nagkaroon ba ako ng panahon bilang guro na kausapan upang alamin ang kadahilanan kung bakit hindi siya nagbibigay sa akin ng takdang aking inaasahan?
- Sa mga pagkakataong napupuna ko bilang guro, na madalas na bagsak ang mga pagsusulit ng isang mag-aaral, tinawag ko ba ang kanyang pansin upang alamin ang mga bagay na maaaring bumabagabag sa kanyang pag-aaral, tulad ng pamilya, barkada, o ang kakulangang pinansyal?
Kung gagawa ako ng isang masusing talaan ng mga katanungang maaaring makatulong sa pag-angat ng antas sa kamalayan ng mga mag-aaral, upang maging maayos at mahusay sa kanilang pagtugon sa kahingian (requirements) ng kanilang sabjek, natitiyak kong wala sa ating mag-aaral ang makapagtatanong ng, “Titser, pasado po ba ako?” tuwing sasapit ang panahon ng Marso, kung kailan kakaunti na lamang ang panahon upang sila ay ating matulungan pang makapasa.
Tulad ng aking nabanggit sa simula, hindi tayo bilang guro mawalan ng pag-asa o pasensya sa mga batang magtatanong ng kanilang kalagayan sa kondisyon ng kanilang marka. Maaari pa tayong makakuha ng karagdagang datos upang madagdagan ang ating batayan na sila ay makapasa, na hindi natin nilalabag ang anuman sa batas ng paaralan. Kung sa ating palagay ay dapat lamang idagdag ang mga bagay na kanilang mga ginawa sa loob ng paaralan, tulad ng nutbok, pagpapa-ulit ng mababang proyekto at karagdagang kahingian ng ating sabjek, bakit hindi natin gawin? Subali’t, kung ang ganitong pagkakataon/sistema ay ipinagkaloob mo sa isang mag-aaral, karapat-dapat lamang, ipagkaloob mo din sa iba pang mag-aaral. Iwasan ang pagkakaroon ng pagkiling sa ilang mag-aaral, lalo pa roon sa maykaya, maganda at kakilala natin ang magulang.
Dapat lamang nating pagkatandaan, na ang bukas na komunikasyon sa mga magulang ng mag-aaral na may dalawang markahan nang bumabagsak ay malaki ang maitutulong upang magbago ang istilo/pamamaraan ng isang mag-aaral sa pagganap ng kanyang tungkulin sa paaralan. Ang mga magulang ay ating mga katulong sa pagpapalago at paghihikayat sa ating mag-aaral na pag-ibayuhin ang pag-abot sa kanilang mga pangarap – ito’y ang makatapos sa kanilang pag-aaral, na hindi umaamot o nagmamakaawang sila’y ipasa ng kanilang mga guro. Sa ganitong paraan, aasahan natin ang mga katagang, “Titser, titser, marami pong salamat sa inyong tulong, at ako po ay nakapasa.” (May 23, 2011)